MANILA, Philippines — Apat na taon na pagkakulong ang iginawad na hatol ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14 kay John Paul Solano, miyembro ng Aegis Juris Fraternity dahil sa obstruction of justice sa pagkakamatay sa hazing ng University of Santo Tomas freshman law student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Sa desisyon ni MTC Judge Carolina Esguerra, ang sentensiya kay Solano ay dahil sa pagbibigay nito ng affidavits kung paano dinala si Castillo sa Chinese General Hospital matapos ang initiation rites.
Sa unang affidavit ni Solano sa Manila Police District (MPD) noong September 17, 2017, sinabi nitong hindi niya kilala si Castillo at natagpuan lamang niya itong nakabulagta sa kalsada kaya’t dinala niya sa ospital.
Taliwas naman ang naging pahayag ni Solano sa kanyang ikalawang affidavit sa pagsasabing pinakiusapan siya ng kanyang mga kasamahan sa fraternity na dalhin na ospital si Castillo matapos na mag-collapse matapos isagawa ang initiation rites sa library ng Aegis Jury Fraternity noong Setyembre 17, 2017.
Gayunman, nakakalaya pa rin si Solano dahil nakapag-post ito ng bail. Habang ang ibang miyembro ng fraternity ay nahaharap sa kasong homicide at paglabag sa Anti-Hazing Law.