MANILA, Philippines — Limang miyembro ng carnapping syndicate ang nadakip na kung saan ay narekober sa kanilang kuta ang 12 nakaw na motorsiklo sa ikinasang operasyon ng Caloocan City Police, kahapon ng madaling araw.
Ang mga inaresto ay kinilalang sina Angelo Arboleda, 38, isang beautician; Henrick Paul Mendoza, 32; Mark Ramirez, 24, mekaniko; Roy Santos, 40 at Nino Manacho, 36, pawang mga nakatira sa Brgy. 176 Bagong Silang ng lungsod.
Unang nadakip ng Anti-Carnapping Unit ang isa pang suspek na si Maico Dejoras noong Hunyo 9 dahilan para magkasa ng intelligence operation laban sa grupo ng mga magnanakaw ng motorsiklo sa naturang barangay.
Alas-2:30 ng madaling araw kahapon nang salakayin ng mga awtoridad ang lokasyon ng katayan ng mga motorsiklo sa may Phase 9 Maharlika, Brgy. 178 Bagong Silang at naabutan ang mga suspek na sina Arboleda, Mendoza at Ramirez na abala sa pagkatay sa isang motorsiklo na naberepikang inagaw sa biktimang si Philen Tulawie.
Agad na inaresto ng mga pulis ang tatlong suspek at nakumpiska sa kanila ang tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu, at mga drug paraphernalia.
Inamin ng tatlo na ibinibenta nila ang mga ito sa kanilang mga parokyano sa Phase 3, Package 3, Block 92, Lot 13, Brgy. 176 Bagong Silang na sinalakay agad ng mga pulis at naaresto sina Santos at Manacho na kung saan ay nadiskubre ang walo pang motorsiklo na may mga pekeng dokumento.