MANILA, Philippines — Bukas na sisimulan ang local absentee voting para sa mga botante na naka-duty sa araw ng halalan, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Gaganapin ang LAV para sa 2019 midterm elections sa loob ng tatlong araw na sisimulan bukas (Abril 29) hanggang Mayo 1 ng taong ito.
Ito’y batay sa Comelec Resolution No. 10443, na nagtakda sa nasabing mga petsa para makaboto ang mga opisyal ng gobyerno, empleyado ng gobyerno, mga miyembro ng pulis at military at kasama rin sa pinapayagan ang mga media practitioner na inaasahang naka-duty sa mismong araw ng halalan sa Mayo 13.
Magsisimula ang LAV alas-8:00 ng umaga hangganga alas 5:00 ng hapon sa tatlong araw na nabanggit.
Nilinaw naman ng Comelec na nakasaad din sa resolusyon na ang maaari lamang iboto ay ang mga senador at party-list organizations at hindi maaari ang mga kandidato sa local na posisyon.
Gayunman, ang mga maaaring bumoto ay ‘yung mga nakapagpasa na ng application forms para sa LAV na naisumite hanggang noong Marso 11, 2019.
May itinalagang polling place naman para sa mga boboto sa mga araw na ito.
Sa labas ng Matro Manila, ang botohan ay gagawin sa Office of the City Election Officer (OCEO) o sa Office of the Provincial Election Supervisor (OPES).
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez, naihanda na ang mga balotang gagamitin sa LAV at ibibiyahe na lang.
Matatandaang noong Abril 13 ay sinimulan naman ng Comelec ang overseas absentee voting (OAV).