Malaysian kidnap victim ng Abu, nasagip

MANILA, Philippines — Isang Malaysian kidnap victim ang nasagip ng tropa ng militar habang sugatang tumatakas sa mga humahabol na kidnappers nitong bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Simusa Island, Brgy. Bahkaan, Banguingu, Sulu kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni  Lt. Col. Gerald Monfort, Spokesman ng Joint Task Force (JTF) Sulu ang nailigtas na biktima na si Jari Bin Abdullah, kabilang sa tatlong hostages ng mga bandido sa nasabing isla.

Ang dalawa pa ay mga Indonesian crew na binihag ng grupo ng mga bandido na itinatago ng mga ito sa nasabing isla.

Bandang alas-8:40 ng gabi nang magawang makatakas ni Abdullah sa kaniyang mga abductors pero habang tumatakbo ito ay nagising ang mga bandido hinabol ito at binaril.

Bagaman nasugatan ay nagtatakbo ang kidnap victim at habang hinahabol ito ng mga armadong bandido ay nakasalubong naman ng tropa ng Philippine Marine Ready Force Sulu (PMRFS)  na nagsasagawa ng security operation laban sa mga kidnappers sa Simusa Island.

Napilitan naman ang mga bandido  sa pamumuno ni Najir Arik na magsiatras matapos na makipagpalitan ng putok sa tropa ng mga sundalo .

Ang palitan ng putok ay tumagal ng 15 minuto bago nagsitakas ang mga bandido sa takot na malagasan ng puwersa.

Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng tropa ng militar sa nangyaring bakbakan.

Show comments