MANILA, Philippines — Dalawang pulis ang inaresto sa pangongotong ng kanilang mga kabaro sa magkahiwalay na entrapment operation sa Taguig City at Maynila.
Inaresto ng pinagsanib na elemento ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) at PNP-Intelligence Group (PNP-IG) si P/Corporal Rommel Enrico, nakatalaga sa Bureau of Immigration and Deportation (BID) kamakalawa ng hapon sa gate ng himpilan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Bicutan, Taguig City.
Sa ulat, bandang alas-12:30 ng hapon nang arestuhin ng mga operatiba si Enrico sa aktong tinatanggap ang P200,000.00 mula sa nagrereklamong biktima na nagpatago pangalang Shiela.
Sa reklamo ni Shiela ng Brgy. Almanza Uno, Las Piñas City, hiningan siya ni Enrico ng P200,000.00 lagay kapalit ng pagpapabilis ng pagproproseso umano ng paglaya ng kaniyang Koreanong mister na si Kook Jin Chung na nakaditine sa detention facility ng BID dahil sa overstaying sa bansa kaya inaresto.
Sa Tondo, Maynila, ilang minuto ang naging habulan bago naaresto ang suspek na si Patrolman Arnel Pastrana Agustin, 35, nakatalaga sa NPD Traffic Enforcement Unit dahil sa pagtanggap ng P50 na kotong ng “parking fees”sa mga truck drivers kahapon ng alas-7:00 ng umaga.
Ayon kay Police Corporal Jed Magat, ng MDTEU, pinaalam umano ng truck driver na si Rico Aleon na sila ay pinuntahan ng suspek na inakala nilang pulis Maynila at komolekta ng P50 para payagan na makapanatili sa lugar.
Hinabol ang suspek hanggang sa makorner at mahuli at nakumpiska ang isang .45 kalibre na may walong bala at isang butterfly knife.