Election hotspots tumaas sa 941

Ayon kay Albayalde, base sa na-validate na election watchlist ay nasa 57.60 % ang mga hotspots sa kabuuang 1,634 siyudad at munisipalidad sa buong bansa.
File

MANILA, Philippines — Inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na mula sa dating 701 na elections hotspots na natukoy noong Pebrero ay umaabot na ito sa 941 ang bilang kaugnay ng gaganaping midterm elections sa bansa  sa darating na Mayo ng taong ito.

Ayon kay Albayalde, base sa na-validate na election watchlist  ay nasa 57.60 % ang mga hotspots sa kabuuang 1,634 siyudad at munisipalidad sa buong bansa.

Kabilang dito ay 131 bayan at lungsod na naklasipika sa Category Yellow o areas of concern; 238 ang Category Orange (areas of immediate concern), 570 areas of grave concern (Ca­tegory Red) at dalawa naman ang isinailalim sa kontrol ng Comelec, isa rito ay ang Cotabato City at pangalawa naman ang Daraga, Albay.

Sinabi nito na nasa 570 lugar naman ang nasa Red category kung saan magsasagawa ng ebalwasyon dito ang Comelec at maa­ring isailalim ang alinman sa nasabing mga lugar sa kanilang kontrol.

Ang mga lugar na ikinokonsiderang areas of concern ay may mga kasaysayan o rekord ng karahasan sa nagdaang mga halalan, mainit ang tunggalian ng mga pulitikong magkalaban sa puwesto at dati nang naisailalim sa Comelec control.

Ang ‘areas of imme­diate concern’ ay mga lugar na may seryosong banta bunga ng presensya ng mga grupong banta sa pambansang seguridad tulad ng New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group (ASG) at rouge elements ng Moro National Liberation Front (MNLF) at maging ng Moro Islamic Liberation Frong (MILF).

Show comments