MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 441 pulis ang tinanggal sa serbisyo dahilan sa pagkakasangkot ng mga ito sa illegal drugs kaugnay nang puspusang internal cleansing o paglilinis sa hanay ng tiwaling pulis sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Spokesman Police Colonel Bernard Banac, ang nasabing bilang ay naitala mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 hanggang sa kasalukuyan.
Kabilang dito ay ang 322 pulis na nadismis sa serbisyo matapos na mapatunayang positibo sa paggamit ng ilegal na droga o mga nagsha-shabu, marijuana at iba pang uri ng bawal na gamot.
Habang ang nasa 119 ang nadismis dahil sangkot sa illegal drug trade, nahulihan at nagbebenta rin ng ilegal na droga habang ang iba pa ay mga protektor naman ng mga drug syndicates.
Una nang ipinag-utos ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang pagpapalakas pa ng internal cleansing sa PNP kung saan binigyang diin nito na walang puwang sa pambansang pulisya ang mga scalawags na nagsisilbing batik sa imahe ng PNP.
Sa kasalukuyan ayon kay Banac na patuloy rin ang monitoring ng kanilang mga operatiba sa aktibidad ng mga pulis upang matiyak na hindi ang mga ito naliligaw ng landas at mapatalsik ang mga sumusuway sa panuntunan at patakaran ng isang mabuting parak alinsunod sa itinatadhana ng batas.