MANILA, Philippines — “Ang katapatan ko ay nasa mamamayang Pilipino”.
Ito ang tahasang sinabi ni dating Senador Mar Roxas sa kanyang pangangampanya sa Iloilo City.
Anya, walang katotohanan ang sinabi ni Pangulong Duterte na wala umano siyang prinsipyo at katapatan sa Pilipinas. Paliwanag ni Roxas, naging gabinete siya ni dating pangulong Joseph Estrada bilang DTI secretary at siya ang nagtatag ng call centers habang natulungan naman niya ang mga magsasaka na harangin ang pagpasok ng agricultural products mula Europa noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ipinagmalaki rin ni Roxas na unti-unti rin niyang nabubuo noon ang Cheaper Medicine Law at pinangasiwaan niya ang Bottom-Up-Budgeting noon panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino kung saan ang mismong residente ng lungsod at mga lalawigan ang siyang maglalahad ng kanilang mga gastusin.
Magugunita na sinabi ni Pangulong Duterte na “Just because you are a namesake of Roxas doesn’t mean you are good. This person has no loyalty, without principles” .