P1.6-M reward sa killer ng 16-anyos na ni-rape/slay
MANILA, Philippines — Upang mapabilis ang pagbibigay ng hustisya sa isang 16-anyos na dalagita na ginahasa, pinatay at binalatan pa ang mukha sa Lapu-Lapu City, Cebu, kamakailan ay nagpalabas ng P 1.6-M reward para sa sinumang makapagtuturo para sa ikakaaresto ng mga suspek.
Ang P1-M ay mula sa pamahalaang lungsod ng Lapu-Lapu; P500,000 mula sa isang American retiree at P 100,000 naman mula sa Advisory Council of Police Regional Office (PRO) 7 sa Central Visayas.
Ayon kay Lapu-Lapu City Mayor Paz Radaza, nais nila na agad na maaresto ang nasa likod nang karumaldumal na pagpatay sa biktimang si Christine Lee Silawan, kolektor sa Sacred Heart Church sa tuwing may misa sa kanilang lugar.
Sinabi naman ni Lapu-Lapu City Police Chief Police Colonel Limuel Obon, patuloy ang masusi nilang imbestigasyon sa kaso upang maresolba ang krimen sa lalong madaling panahon.
Ayon sa opisyal may pangunahin na silang suspect sa krimen kung saan nakipagpalitan ng komunikasyon ang dalagita bago naganap ang karumaldumal na krimen.
Lumabas sa otopsiya na isinagawa ng PNP Regional Crime Laboratory na si Silawan ay nagtamo ng 30 saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, isa sa leeg, siyam sa kaniyang braso at 20 sa kaniyang katawan.
Ayon kay Police Colonel Benjamin Lara, medico legal officer ng PNP Crime Laboratory base sa mga tinamong sugat sa braso ng dalagita ay nanlaban ito sa kaniyang mga salarin kung saan dalawa hanggang tatlo ang nasa likod ng krimen.
Kumuha na rin ng dental sample ng biktima ang mga imbestigador upang masuri ito dahilan sa nalalabi lamang niyang saplot nakilala ang dalagitang binalatan ng mukha matapos halayin at natagpuan na walang saplot pang-ibaba dakong alas-6:00 ng umaga sa isang bakanteng lote sa Brgy. Bangkal ng lungsod.
Una nang sinabi ni PNP Spokesman Police Colonel Bernard Banac na mga sabog sa droga ang nasa likod ng krimen kung saan binalatan pa ang mukha ng tinedyer.
- Latest