MANILA, Philippines — Upang makalikha ng ulan na tutulong na maitaas ang water level sa mga dam sa bansa ay iniutos ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang pagsasagawa ng cloud seeding operation.
Ang direktiba ay ginawa ni Piñol bunga na rin ng nararanasang kakapusan sa suplay ng tubig sa Metro Manila at karatig lalawigan dulot ng pagbaba ng water level sa mga dam ngayon panahon na malakas ang demand sa tubig dahil sa sobrang init.
Nakipag-ugnayan na ang DA sa Philippine Air Force para makapagsagawa ng cloud seeding sa Bulacan, Pampanga at Rizal upang madaluyan ng tubig ang La Mesa dam.
Ayon naman sa PAGASA na mahirap na magsagawa ng cloud seeding operation kung hindi fertile ang alapaap, kailangan mayroong thunderstorm clouds na magagamit para lagyan ng asin para magkaroon ng ulan.