7 pulis-Las Piñas dinakip sa kidnapping
MANILA, Philippines — Matapos na maaresto kamakailan sa magkahiwalay na entrapment operation ang dalawang pulis sa Marikina at Pasay City dahil sa pangongotong sa kaanak ng naaresto sa droga ay 7 pulis naman na nakatalaga sa Las Piñas City ang inaresto sa kaparehong kaso sa bisa ng warrant of arrest kamakalawa.
Iprinisinta kahapon sa media ang mga inarestong pulis na sina Staff Sergeant Joel Lupig; Corporal Vener Gunalao; Corporal Jayson Arellano; Patrolman Jeffrey De Leon; Patrolman Mark Jefferson Fulgenio; Patrolman Raymard Gomez, at Patrolman Erickson Rivera na pawang nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Las Piñas City-PNP.
Batay sa ulat, alas-5:15 kamakalawa ng hapon nang isilbi ng operatiba ng NCRPO, RSOU ang warrant of arrest na inisyu ni Acting Presiding Judge Jose Lorenzo R. Dela Rosa, ng 4th Judicial Region, Branch 134, Tagaytay City laban sa pitong pulis habang ang mga ito ay nasa Regional Headquarters Support Unit (RHSU) NCRPO, Camp Bagong Diwa, Brgy. Bicutan, Taguig City.
Magugunita na noong Nobyembre 21, 2018 nang arestuhin ng pitong pulis si Cyrus Wency Lugutan sa isa umanong drug bust operation at hingan nila ng pera ang kapatid nitong babae na si Shelane para sa kalayaan nito.
Agad naman inireklamo ni Shelane sa Regional Special Operations Unit ng NCRPO, na naglunsad ng entrapment operation noong November 21 ng nakalipas na taon at dito ay ginamit nila ang isang menor de edad para kunin ang pera kay Shelane na kung saan ay naaresto ang bata.
Nakatakas ang pitong pulis,subalit pagkalipas ng ilang araw ay isa-isa itong sumuko kay NCRPO director Major General Guillermo Eleazar at kamakalawa ay lumabas ang warrat of arrest laban sa kanila.
- Latest