Kotong cop timbog sa entrapment
EPD Director sinibak...
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga pulis ang isa nilang kabaro habang tinatanggap ang kotong money sa isang ginang na hiningan nito ng pera para sa kalayaan ng live-in partner nito na naaresto sa droga, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Ang suspek ay kinilalang si P/Cpl. Marlo Quibete, nakatalaga sa District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Eastern Police District (EPD) na inaresto ng mga tauhan Regional Special Operation Unit ng NCRPO matapos umano nitong tanggapin ang P20,000 marked money sa tapat ng isang fast food restaurant sa Barangay Santolan, Pasig City.
Bago ito ay nagreklamo ang isang Eva Quilla sa NCRPO dahil sa panghingi umano ng pera ni Cpl. Quibete kapalit ng kalayaan ng kanyang live-in partner na si Aries Ochoada na nahuli sa buy bust operation sa Marikina City kamakalawa.
“Hiningan kami ng P200,000. Sabi ko, ‘di ko kaya. Sabi P100,000 na lang, hindi pa rin kaya. Kung ano na lang meron kami. May pinapirmahan pang deed of sale nung motor naming na kunwari binenta ko sa kanila,” ani Quilala.
Bukod sa perang kinuha ng pulis na nasa P60,000 ay kinuha rin nito ang gintong kwintas ni Quilala habang ang motorsiko ni Ochoada ay pilit na pinapirmahan ang deed of sale.
Hindi pa umano nakuntento ang pulis at humingi pa ng dagdag na pera kaya nagsumbong na sa NCRPO.
Base sa imbestigasyon ng NCRPO, kasabwat umano ang mga tauhan ng EPD-DDEU, maging ang hepe ng mga ito dahil sa nakuhang palitan ng text message.
Kaagad din sinibak ni NCRPO Director Gen.Guillermo Eleazar si EPD Director Gen. Barnabe Balba dahil sa command responsibility.
Tinanggal din sa puwesto ang lahat ng pulis sa District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni P/Maj. Allan Miparanum at 14 pa nitong tauhan.
Related video:
- Latest