MANILA, Philippines — Isang 3-anyos na batang lalaki ang hinostage at pinatay ng kanyang lolo na tiyuhin ng kanyang ina na napatay din ng mga pulis sa naganap na hostage drama kahapon ng madaling araw sa loob ng kanilang bahay sa Mobo, Masbate.
Ang biktima na namatay dahil sa mga saksak ay kinilalang si Christ Jerom Uy, ng Barangay Poblacion 2. Habang napatay ng mga rumespondeng miyembro ng Special Weapon and Tactics (SWAT) ang suspek na si Magdaleno Bustamante.
Batay sa ulat, bago nangyari ang hostage drama dakong alas-3:00 ng madaling araw ay nagpapahinga ang biktima kasama ang kanyang ina na si Rovelyn Uy sa loob ng kanilang bahay nang dumating ang suspek na armado ng patalim at kaagad nagbanta na papatayin ang mag-ina.
Mabilis na nakahingi ng tulong sa mga kamag-anak ng mag-ina sa pulisya at dito ay nagresponde ang mga pulis at nakipagnegosasyon sa suspek.
Sa gitna ng negosasyon ay agad na inundayan nang sunod na sunod na saksak ang bata ng suspek dahilan para barilin siya ng mga pulis.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya na kung saan ang suspek na kagagaling lang sa Maynila ay nasa impluwensiya ng droga nang gawin ang krimen.