MANILA, Philippines — Patay ang limang katao kabilang ang apat na forest rangers matapos na ma-suffocate nang sumiklab ang sunog sa kagubatan ng Sitoo Salangan, Brgy. Ampucao, Itogon, Benguet.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Dante Molina; Noel Degiyem; Marlon Guiningin at Dexter Labasan, pawang miyembro ng Philex Forestry at sibilyang si Leon Mocate na na-trap sa gitna nang nasusunog na kagubatan.
Sa ulat ni Cordillera Police Director P/Chief Supt. Rolando Zambale Nana, ang sunog ay tumupok sa tinatayang 5-6 hektaryang kagubatan na nagsimula alas-4:35 ng hapon noong Pebrero 20.
Mabilis na kumalat sa kabundukan na umabot hanggang sa Saint Luis High School –Philex Mines Itogon, Benguet.
Nagresponde ang mga elemento ng Itogon at Tuba Municipal Police Station (MPS), Bureau of Fire Protection-Tuba at Philex Fire Department kasama ang mga volunteers sa lugar upang apulahin ang sunog.
Ang bangkay ng mga biktima ay narekober naman ng nagrespondeng mga elemento ng Philex Fire Department.
Batay sa imbestigasyon nagsimula ang sunog nang isang kaingero ang nagsindi ng mga tuyong dahon at sanga ng punong kahoy sa kagubatan upang gawin umanong taniman.