MANILA, Philippines — Kinondena ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines ang patuloy na pagre-recruit ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga estudyante.
Ito ang ibinulgar kahapon ni AFP Eastern Mindanao Command (AFP-Eastmincom) Chief Major Gen. Felimon Santos Jr., matapos makumpirma ng isang dating estudyante ng Ateneo de Davao na si Alvin Luque na may ilang taong nawala ay natuklasang na-recruit ng NPA rebels at isa na sa mga lider ng NPA sa Northeastern Mindanao.
Tinukoy rin ni Santos na ilan pa sa mga estudyanteng nalinlang ng NPA ay sina Ryan Edpan Cagula, estudyante ng UP Mindanao ay sumapi sa NPA at napatay sa engkuwentro sa Maasim, Sarangani noong Nobyembre 4, 2014.
Ang isa pa na si Prince Wendel Olorfenes, na responsable sa pag-atake sa himpilan ng Mati Police noong Pebrero 14, 2015 ay isa ring estudyante ng University of Mindanao nang ma-recruit ng teroristang grupo.
Kaya’t nanawagan si Santos sa mga magulang at mga opisyal ng mga kolehiyo at unibersidad ng mga kabataang estudyante na bantayang mabuti ang mga ito upang hindi malinlang ng komunistang grupo.
Kinondena naman ng opisyal ang patuloy na panlilinlang ng CPP-NPA sa mga estudyante matapos na isa pang dating estudyante ang nasawi sa engkuwentro sa lalawigan ng Laguna noong nakaraang linggo.