‘Adik’ sa Pinas, nabawasan-SWS
MANILA, Philippines — Nabawasan ang bilang ng mga ‘adik’ sa droga sa bansa.
Ito ay base sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) noong Disyembre 16 hangang 19 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa nasa 1,440 respondents sa buong bansa.
Nasa 66 porsiyento ang nagsabi ng nabawasan ang bilang ng illegal drug users sa kanilang lugar samantalang nasa 14 percent lamang ng respondents ang nagsabi na dumami ang drug users at nagtutulak ng droga. Pitong porsiyento naman ang nagsabi na pareho pa rin ang bilang.
Nasa 83 percent ng respondents mula sa Mindanao ang nagsabi na nabawasan ang mga adik sa kanilang lugar, sinundan ng Visayas na 71 porsiyento, Metro Manila, 67 porsiyento at Luzon 54 porsiyento.
Sinimulan ng SWS ang kanilang quarterly surveys tungkol sa drug addiction noong 2017 matapos ilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya laban sa ilegal na droga.
Lumabas din sa pinakahuling survey na 95 porsiyento ng mga respondents ay naniniwala na mahalagang mahuli nang buhay ang mga drug suspects habang limang porsiyento lamang ang nagsabi na hindi importanteng mahuli nang buhay ang mga suspek.
Samantala, ikinatuwa naman ng Malacañang ang naging resulta ng naturang survey.
Ayon kay Presidential Spokesperon Salvador Panelo, ang kampanya laban sa ilegal na droga ay nanatiling isang “centerpiece program” ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos at magtutuloy-tuloy ang kampanya hanggang sa huling termino ng Pangulo sa 2022.
- Latest