Bus vs jeep: 10 sugatan

MANILA, Philippines — Sampung katao ang sugatan nang magkabanggaan ang isang bus at pampasaherong jeepney sa EDSA, Quezon City kahapon.

Pawang nilalapatan ng lunas sa ospital ang 10 nasugatan na hindi na pinangalanan habang ang iba naman ay pinayagan na ring makauwi sa kani-kanilang tahanan at makapasok sa trabaho.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), bago nangyari ang aksidente pasado alas-6:25 ng umaga sa EDSA, kanto ng Timog Avenue ay bumibiyahe ang jeep sa EDSA mula Fairview at patungo sanang Timog Avenue nang biglang mapahinto sa gitna ng kalsada matapos maabutan ng stoplight.

Kaya’t nabangga ito ng bus sa tagiliran sanhi upang ito ay mabuwal.

Nasira ang jeepney kaya’t tumapon sa kalsada ang langis nito habang nasugatan din ang mga sakay nito kabilang ang isang magtataho na nagtamo ng first degree burn nang matapunan ng taho sa kanyang dibdib.

Nagdulot naman ng pagsisikip ng daloy ng trapiko ang aksidente at alas-7:00 ng umaga nang matanggal ang dalawang sasakyan na lumikha ng masikip na daloy ng trapiko sa mga motorista.

Show comments