MANILA, Philippines — Isang resolution ang ipinalabas ng Philippine Overseas Employment Administration Governing Board na pinapayagan ang pag-proseso at pag-dedeploy ng mga Pilipino na muling babalik sa kanilang trabaho sa Libya.
Sa GB Resolution No. 1, series of 2018, sinabi ng Board na ang desisyon ay matapos ibaba ng Department of Foreign Affairs, na may pagsang-ayon ng National Security Council, na ibaba ang Crisis Alert Level sa Libya mula sa Alert Level 3 (Voluntary Repatriation Phase) sa Level 2 (Restriction Phase).
Nilagdaan ni Secretary Silvestre H. Bello III, chairman ng POEA Governing Board ang bagong resolusyon kasama sina POEA Administrator Bernard P. Olalia, at board member Estrella S. Hizon, Alexander E. Asuncion, at Felix M. Oca.
Dati nang inapela ng Overseas Filipino Workers Organization-Benghazi (OFWO-B) sa pamahalaan na huwag isali ang mga professional tulad ng engineer, company worker, nurses at teachers mula sa travel ban sa Libya.
Magugunita na noong Nobyembre 2018 ay nag-isyu ang POEA Board ng Board Resolution No. 8 na nagtatakda ng total deployment ban sa pag-proseso at pagde-deploy ng newly-hired worker, gayundin ang crew change and shore leave ng mga Filipino seafarer sa Libya, subalit pinapayagan ang pag-proseso at pagde-deploy ng mga babalik na manggagawa sa ilalim ng specified skill category ngunit ito ay sasailalim sa ilang kondisyon.