MANILA, Philippines — Upang linisin ang kanilang mga pangalan matapos na isangkot sa madugong cathedral bombing sa Jolo, Sulu noong Linggo matapos makunan ng CCTV ay sumuko kahapon ang apat na lalaki na kabilang sa anim na “person of interest”.
Sinabi ni Army’s 11th Infantry Division (ID) Joint Task Force (JTF) Sulu Commander Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, magkakasunod na lumantad ang apat sa mga persons of interest na nahagip sa CCTV footage sa kasagsagan ng pagsabog sa Mount Carmel Church sa Jolo , Sulu.
Unang sumuko sina Ishaber Arbi, 18, Grade 11 student ng Kalingalan Caluang National High School na naka-ponytail sa CCTV footages at Gerry Isnajil, guro sa nasabing eskuwelahan na nakasuot naman ng kulay maroon na sombrero.
Bandang alas-3:00 ng hapon nang sumunod na sumuko sina Alsimar Mahamud ng Brgy. Busbus, Jolo, Sulu at Julius Abdulzam ng Brgy. Takut Takut , Jolo ng lalawigan.
Kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ng Joint Interagency Task Force na binubuo ng AFP, PNP at National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na pawang itinanggi ang partisipasyon sa pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel.