Lapeña, 50 pa kinasuhan sa drug shipments
MANILA, Philippines — Nagsampa ng kasong kriminal at administratibo ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice laban kay dating Customs Commissioner Isidro Lapeña at 50 iba pa kaugnay sa dalawang insidente ng drug shipments na ipinuslit sa pamamagitan ng magnetic lifters.
Isinampa ng NBI ang mga kasong dereliction of duty, grave misconduct at anti-graft ang corrupt practices act kay Lapeña dahil sa kabiguan na mapigilan ang pagpupuslit ng bilyong halaga ng shabu papasok sa bansa.
Ang kaso ay ang pagkakadiskubre ng dalawang malalaking shipment ng shabu sa pamamagitan ng magnetic lifters na umabot sa mahigit P13-bilyon, nang si Lapeña pa ang nakaupong BOC chief.
Si Lapeña ay kasalukuyan director general ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Isinampa rin ng NBI ang katulad na reklamo sa mga sinibak na tauhan ng Port of Manila District Collector na si Vener Baquiran dahil sa pagkabigo nito na ideklara ang dalawang magnetic lifters na inabandona sa Port of Manila.
Kinasuhan din sina Port of Manila at X-ray Inspection Project head Zsae Carrie De Guzman at 2 iba pa dahil sa pagpayag na makalabas sa Bureau of Customs ang apat na magnetic lifters .
Ang 50 pang indibidwal na respondents ang ipinagharap din ng mga reklamong importation of illegal drugs, graft at grave misconduct kasama sina dating PDEA Deputy Director General for Administration Ismael Fajardo, Jr., dating PNP AIDG OIC Senior Superintendent Eduardo Acierto, dating Customs intelligence agent Jimmy Guban, police inspector Lito Pirote at Joseph Dimayuga. Ang tatlong iba pa ay nahaharap naman sa reklamong false testimony at pirote for subornation of perjury nang bayaran ang dalawang testigo para magsalita ng mga mali.
- Latest