MANILA, Philippines — Nakapiling na ng kanilang pamilya ang labi ng bagong kasal na sina Leomer at Erika Joyce Lagradilla na nalunod kamakailan sa Maldives sa araw ng kanilang honeymoon.
Nitong Sabado dakong alas-3:21 ng hapon nang dumating ang labi ng mag-asawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sakay ng Etihad Airways flight EY 424 na sinalubong ng kanilang mga magulang at mga opisyales ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ang mag-asawa ay ikinasal nitong Disyembre 2018 at nagtungo sa Maldives para sa kanilang engrandeng “honeymoon” at Enero 13 nang mag-snorkling ang mag-asawa at kapwa nalunod.
Nagtatrabaho bilang OFW si Leomer sa Jeddah, Saudi Arabia habang nagtatrabaho naman sa Singapore si Erika na kapwa nurse.
Plano naman ng mga pamilya ng mag-asawa na ihatid sa libingan ang dalawa sa Enero 26.