4 todas, 2 kritikal sa motor crash
MANILA, Philippines — Apat katao ang naiulat na nasawi habang 2 ang nasa kritikal na kalagayan sa naganap na motorcycle accident sa magkakahiwalay na lugar sa Zamboanga, Isabela at Cagayan.
Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, dakong alas-3:30 ng hapon nang suwagin ng kulay maroon na Isuzu elf truck ang kulay asul na motorsiklong minamaneho ni Louie Guia, 47, isang CAFGU na nasa ilalim ng superbisyon ng Army’s 56th Infantry Battalion (IB) sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Tinglan, Mutia, Zamboanga del Norte.
Nabatid na patungo ang biktima sa Brgy. Taguilon, Dapitan City para mag-duty sa himpilan ng 5th IB Patrol Base nang mabanga ng Isuzu Elf truck na minamaneho ng guro na si Allan Hope Mutia, 38.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang biktima sa motorsiklo na nagtamo ng matinding sugat sa ulo at bagaman nagawa pang maisugod sa Jose Rizal Memorial Hospital ay idineklara na itong dead-on-arrival.
Bandang alas-6:35 naman ng gabi kamakalawa nang maaksidente ang isang MC Honda Wave EX na ikinasawi ng driver nitong si Agapito, Picandal, 75 naganap sa Talisayan New Highway, Brgy. Talisayan sa Zamboanga City.
Sugatan naman si Ismael Borongan, 49 na nabangga ng motorsiklo ni Picandal at patuloy na ginagamot sa Zamboanga City Medical Center .
Sa Cagayan, at Isabela, malungkot ang pagpasok ng Bagong Taon sa pamilya ng dalawang lalaki na namatay sa aksidente sa motorsiklo habang isa ang kritikal.
Ang dalawang nasawi ay kinilalang sina Peter Narag, 24, janitor ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nasalpok ng GV Florida Bus ang minamanehong motor sa highway ng Brgy. Larion Alto ng lungsod na ito dakong alas-8:45 ng umaga.
Nabatid na nagtangkang mag-overtake ang drayber ng bus na si Joselito Romero, 46 nang mawalan ng kontrol dahil madulas na kalsadang dulot ng ulan at nasalpok ang motor.
Sa Roxas, Isabela nasawi si Gregorio Rico, 20 habang kritikal ang angkas niyang si Peejay Luga 21 nang salpukin sila ng kasalubong na Toyota Hi Lux Pick Up na nang-agaw ng kanilang linya sa Brgy. San Luis dakong 10:30 ng gabi.
Naaresto ang drayber ng pick up na si Roldan Lajorda, 39 na lasing nang mangyari ang aksidente.
- Latest