Pulis dinakip sa carnap vehicle
MANILA, Philippines — Inaresto nang pinagsanib na elemento ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) at Task Force Limbas ng Highway Patrol Group si SPO3 Jonathan Sanchez, ng Mangaldan Municipal Police Station sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa pagmamaneho ng kinarnap na van kahapon.
Batay sa ulat, naaresto ang suspek dakong alas-10:25 ng umaga sa isinagawang anti-carnapping operation sa kahabaan ng provincial road, Brgy. Navaluan, Mangaldan ng lalawigang ito.
Dinakip si SPO3 Sanchez nang maaktuhang minamaneho ang isang kulay puting Toyota Hi-Ace Van (WHU-681) na walang conduction sticker na naka-flash alarm dahil isa itong hot car
Bukod rito ay nakumpiska rin sa suspek ang isang cal 9 MM pistol na may magazine na naglalaman ng 14 bala at isang cal. 45 pistol.
Nabatid na nagsagawa ng anti-carnapping operation ang pulisya matapos silang makatanggap ng reklamo mula kay Rosa Pamor ng Bagong Silang, Caloocan City hinggil sa van nito na nirentahan umano noong Setyembre 8, 2018 para sa tatlong araw pero nabigo ang nagrenta rito na ibalik ang nasabing behikulo.
Noong Disyembre 18, 2018 ay nakatanggap ng impormasyon ang ginang na nasa kustodya ng Mangaldan Municipal Police Station (MPS) ang kinarnap niyang behikulo at ng magtungo sa nasabing himpilan ay itinanggi ng mga pulis dito na nasa kanila ang nasabing behikulo.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na maraming mga masasamang elemento kabilang na ang Budol Budol gang noong Setyembre 2018 pero hindi nakalagay sa blotter na may behikulong nakumpiska mula sa mga suspek.
Nabatid na ginagamit ng inarestong pulis ang nasabing carnap na sasakyan sa kanyang mga personal na lakad kaya’t kinasuhan na ito ng carnapping at administratibo.
- Latest