Pinoy couple nalunod sa Maldives
Sa araw ng honeymoon...
MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang masaya sanang pagha-honeymoon ng bagong kasal na sina Leomer at Erika Joyce Lagradilla matapos na sila ay malunod sa Maldives kamakailan.
Kapwa nurse ang bagong mag-asawa na ikinasal noong Disyembre 18, 2018 at nitong Enero 11 sila ay nagtungo sa Maldives, isa sa kanilang bucket list ng mga pupuntahang lugar kasabay na rin ng kanilang honeymoon.
Ayon kay Mhapolle, kapatid ni Leomer na iyon ang pangarap ng kapatid na makapunta sa nasabing paraiso na kung saan ay doon din siya nasawi.
Patuloy pang inaalam ng pamilya ang eksaktong araw at detalye kung paano namatay ang mag-asawa.
Iniulat noong Linggo ng RaajjeMV, isang local news agency na isang mag-asawa ang nalunod sa Dhiffushi island ng Kaafu na bagama’t nasagip ay idineklara ang mga ito na dead-on-arrival sa ospital.
Sa ulat na natanggap ng Department of Foreign Affairs na ang insidente ay nangyari habang ang mag-asawa ay sumisisid.
Nagpaabot ang DFA ng pakikiramay at simpatiya sa pamilya ng mag-asawang nasawi.
Batay sa isang source mula sa isla na unang nalunod ang lalaki at humingi ng tulong ang babae, subalit nang sila ay saklolohan sa gitna ng dagat ay kapwa wala nang malay ang mga ito.
Ang Philippine Embassy sa Dhaka, na may hurisdikyon sa Maldives, ay inatasan na makipagtulungan sa mga otoridad doon upang maayos ang pagpapauwi ng labi ng mag-asawa sa Pilipinas.
Humihingi naman ng tulong ang pamilya ng bagong kasal sa kanilang kaibigan para makakolekta ng P634,000 sa bawat isa upang maiuwi sa Pilipinas ang labi ng mag-asawa.
- Latest