Reporter pinagnakawan, pinatay

MANILA, Philippines — Isang FM radio reporter na isa ring beautician ang nadiskubreng patay matapos na pasukin at pag­nakawan ang kanyang parlor ng hindi pa kilalang suspek, naganap kamakalawa ng hapon sa Sorsogon City, Sorsogon.

Ang nasawing biktima ay kinilalang si Michael Decano, reporter ng FM Pasalinggaya DWPY 88.1 na nakabase sa lungsod at sumasideline bilang beauti­cian sa kanyang parlor.

Sa imbestigasyon, nadiskubre ang krimen bandang alas-1:15 ng hapon sa loob ng pag-aari nitong Allan’s Body Massage and Parlor na matatagpuan sa kahabaan ng Peralta Street, Brgy. Burabod, Sorsogon City.

Sa imbestigasyon ng mga nagrespondeng elemento ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team ang biktima ay hinataw ng maraming beses ng portable cement stove o kalan sa ulo na siya nitong ikinasawi.

Nawawala rin ang hindi pa madeterminang halaga ng pera, alahas at mga personal na kagamitan ng biktima kaya tumibay ang hinala ng mga otoridad na kabilang ang pagnanakaw sa motibo ng krimen.

“ DWPY 88.1 FM condemns the brutal killing of John Michael Dela Rosa Decano, a friend and contributor to the media landscape in Sorsogon.This crime is a blatant blow on the safety of every media practitioner not just in the province but the whole country as well”, anang nasabing FM station.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga otoridad sa krimen.

Show comments