Mayor Baldo, bantay sarado
Mga pulis naghihintay na lang ng arrest warrant...
MANILA, Philippines — Bantay sarado na ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa lugar ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo habang hinihintay ang pagpapalabas ng arrest warrant dito kaugnay sa pamamaslang kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe matapos na iturong siya ang utak sa krimen at pagpapalabas na rin ng DOJ ng lookout order.
Bukod kay Baldo, kasama rin ang iba pang suspek na sina Henry Yuson, Emmanuel Rosillo, Jaywin Babor, Danilo Muella, Gilbert Concepcion, Agaton Concepcion, Christopher Cabrera Naval at Emmanuel Judavar sa ipinalabas na “lookout order na nangangahulugang hindi maaaring makalabas ng bansa ng walang clearance mula kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang mga suspek.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde na sa kanilang monitoring ay hindi pa nakakalabas ng bansa si Mayor Baldo.
Muli ring inihayag ni Albayalde na bukod kay Baldo na mastermind sa krimen ay posibleng may malaki pang tao na nasa likod ng pagpatay kay Batocabe noong Disyembre 22 ng nakalipas na taon na ikinasawi rin ng kanyang security escort na si SPO2 Orlando Diaz habang pito pa ang nasugatan.
Anim na suspect ang nasa kustodya ng PNP habang nagsilbi namang testigo ang sumukong dating security escort ni Baldo na si Emmanuel Bonita Judavar na nagsiwalat kung paano plinano ng alkalde ang pamamaslang sa kongresista na mahigpit nitong kalaban sa mayoralty race sa Daraga kaugnay ng gaganaping midterm elections sa Mayo ng taong ito.
Isinilbi naman ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pirmadong dokumento na bumabawi sa otoridad sa lokal na pulisya ni Mayor Baldo.
- Latest