MANILA, Philippines — Dahil naalarma sa 6.8 milyong backlog sa housing units sa 2022, hiniling ni Gov. Imee Marcos sa gobyerno na maging agresibo sa paglutas ng problema sa pabahay kundi ay lolobo pa ito.
Ayon kay Gov. Marcos, sa Metro Manila pa lamang ay dapat makapaglaan ng 300,000 housing units kada taon upang malutas ang congestion.
“Wish ko lang talaga na magkaroon ng sariling bahay at disenteng tirahan ang mahihirap nating kababayan simula sa 2019 at sa mga susunod pang taon at dapat ay walang Filipino ang namamatay sa mga kariton, bangketa at walang disenteng tirahan,” wika pa ni Marcos.
Aniya, dapat bumalangkas ng bagong comprehensive roadmap ang housing authorities upang matugunan ang problema sa pabahay at ang bagong Department of Human Settlements and Urban Development katuwang ang National Housing Authority, Pag-Ibig at local government units sa buong bansa ay puwedeng magtulungan upang makalikha ng comprehensive housing program para sa disenteng pabahay sa mahihirap na Filipino.
Inihalimbawa ni Marcos ang pinatupad na pabahay ng kanyang ama na BLISS (Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services) na naging epektibo at abot-kaya ng mahihirap.