P30-M reward money sa gunmen ng solon

Ayon kay Cong. ­Garbin, na ang P15 mil­yong piso ay nagmula sa pamilya ni Batocabe at sa AKB, P2 milyon mula sa probinsya ng Albay habang 200 mga kongresista ang nangako ng tulong na P50-libo hanggang P100-libong piso na inaasahang tataas pa ang ‘reward ­money’ hanggang P50 milyon.
File

MANILA, Philippines — Itinaas na sa P30 mil­yong piso ang ‘reward money’ ng mga kasamahang kongresista para sa makakapagturo sa mga pumatay kay Ako Bicol Partylist Cong. Rodel Batocabe at sa bodyguard nitong si SPO2 Orlando Diaz.

Sa isang pulong balitaan na dinaluhan nina House Majority Floorlea­der Camarines Sur Cong. Rolando Andaya; Albay Cong. Fernando Gonzales; Albay Governor Al Francis Bichara, Legazpi City Mayor Noel Rosal at Cong. Alfredo Garbin Jr., ng AKB Partylist ay napagkasunduan nila na itaas sa P30 milyon ang reward para sa sinumang makakapagturo sa gunmen na pumatay kay Batocabe at kay SPO2 Diaz.

Ayon kay Cong. ­Garbin, na ang P15 mil­yong piso ay nagmula sa pamilya ni Batocabe at sa AKB, P2 milyon mula sa probinsya ng Albay habang 200 mga kongresista ang  nangako ng tulong na P50-libo hanggang P100-libong piso na inaasahang tataas pa ang ‘reward ­money’ hanggang P50 milyon.

“Sa taas ng reward bahala silang magpatayan!’ sabi ni Gov. Bichara.

Ayon kay Garbin, dalawang linggo bago pinaslang si Batocabe ay nakapagkwento ito sa kanila na may mga nagsa­sabi at nagte-txt sa kanya na mag-ingat o huwag nang pumunta sa mga pagtitipon sa barangay na hindi pina­kinggan ng kongresista.

“Ipinapa-verify na rin namin kung bakit ilang araw bago binaril si Batocabe ay ni-recall ni Supt.Charlotte Peñalosa ng Regional Police Security Protection Group ang dalawang pulis na ni-request nito at pinalitan ni SPO2 Orlando Diaz na siyang nadamay sa pamamaril,” wika pa ni Garbin.

Kahapon ay dumalaw sa burol si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at siniguro na mabibigyan ng hustisya ang pamamaslang.

Ayon kay Albay Provincial Director Senior Supt. Millo Pagtalunan, sa pinakahuling resulta ng kanilang imbistigasyon lumalabas na anim ang suspek habang dalawa ang nakitang bumaril kay Batocabe at sa bodyguard nito.

Samantala, nagtatag ng Special Task Group ang Philippine National Police (PNP) para imbestigahan ang pagpatay kay Batocabe at sinibak sa puwesto si Daraga, Albay chief of police, na si Supt. Ben Lipad Jr., na pinalitan ni Supt. Dennis Balla.

Sa pahayag ni PNP chief Director General Oscar Albayalde, inatasan na niya ang pagtatag ng nasabing Task Group para i-mobilize ang lahat ng resources at tingnan ang lahat ng aspeto para masiguro ang hustisya sa kongresista, kanyang aide at kanilang mga pa­milya.

Show comments