133 estudyante nalason sa Christmas party

Ang mga biktima ay nasa edad mula 5 hanggang 10 anyos na mga estudyante ng St. Christine Elementary School sa Brgy. Saint Christine ng nasabing bayan.
File

MANILA, Philippines — Isinugod sa ospital ang 133 mag-aaral sa ­elementarya matapos na malason sa handang ­spaghetti sa kanilang Christmas party noong Biyernes sa Lianga, Suriao del Sur.

 

Ang mga biktima ay nasa edad mula 5 hanggang 10 anyos na mga estudyante ng St. Christine Elementary School sa Brgy. Saint Christine ng nasabing bayan.

Sa naantalang ulat ng CARAGA Police ang insidente ay naiparating lamang sa kanila kamakalawa ng hapon ng mga magulang dahil prinayoridad muna nilang isugod sa pagamutan ang kanilang mga anak.

Nangyari ang insidente noong Disyembre 14 pasado alas-10:00 ng umaga sa Christmas party ng mga bata kung saan nagpa-cater ng spaghetti ang nasabing eskuwelahan bilang handa.

Nabatid na matapos makakain ng nasabing handa ay dumanas ang mga bata ng matinding pagsusuka, pagkahilo at pagtatae kaya’t dinala ang mga ito sa ospital.

Kasalukuyan, nanatili pa sa pagamutan ang nasa 28 estudyante habang ang iba naman ay pinauwi na matapos na malapatan ng panguna­hing lunas.

Patuloy ang imbestigasyon ng lokal na pamahalaan ng Lianga at ng pulisya upang mapanagot ang responsable sa paghahanda ng spaghetti na itinuturong nakalason.

Show comments