Bahay sa tabi ng sapa, gumuho: 6 patay, 2 sugatan
MANILA, Philippines — Hindi na makadadalo sa unang araw ng Simbang Gabi ang anim na katao matapos masawi habang dalawa ang sugatan makaraang gumuho ang isang bahay sa tabi ng Culiat Creek, Sitio Bathala, Brgy. Bahay Toro, Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ronald Conde, 65; Nilo Manguso, 46; Benito Añora, 45; Ryan Rigueros, 31; Jun Gabin at Rey Gestro na pawang nasa hustong gulang.
Patuloy namang ginagamot sa pagamutan ang sugatang sina Efren Milan at Federico Rigueros, nagtamo ng mga sugat sa katawan sanhi ng pagtalon upang makaligtas habang gumuguho ang bahay.
Sa salaysay ng mga nakaligtas na sina Milan at Rigueros sa pulisya, dakong alas-12:00 ng hatinggabi habang nag-iinuman sila kasama ang mga nasawi sa loob ng bahay nang bigla umano silang nakarinig ng malakas na lagutok at sinundan ng mabilis na pagguho ng bahay kung saan kasama silang nahulog sa sapa.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Bureau of Fire Protection, nabatid na nasa creek ang pundasyon ng itinayong extension ng bahay ng biktimang si Ryan Rigueros na posibleng lumambot ang lupang kinatitirikan ng mga poste sanhi ng mga pag-ulan nitong mga nagdaang araw.
- Latest