Speaker Gloria Macapagal-Arroyo pumalag sa ‘fake letters’
MANILA, Philippines — Nakatakdang paimbestigahan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkalat ng mga pekeng liham na may lagda niya na nagbibigay ng legislative franchise sa isang bagong power entity sa Iloilo City at nagrerekomenda sa isang aplikante sa Bureau of Customs (BOC).
Sa inilabas na liham ng Office of the Speaker, nilinaw nila na ang dalawang liham na may lagda ni Arroyo ay peke at hindi nag-eendorso ng anuman ng electric franchise dahil sa ngayon ay nakatutok umano si Arroyo sa pagpabas ng 16 na panukalang batas na nasa ilalim ng legislative agenda ni Pangulong Duterte.
Hindi rin umano nag-eendorso ng aplikante sa anumang posisyon sa gobyerno ang Speaker dahil may itinalaga siya na pumirma ng mga liham at ito ay ang kanyang secretary general.
Umapela rin sila na makipag-ugnayan sa Office of the Speaker kaugnay sa mga liham na nagpapakita ng lagda ni Arroyo.
Mahigpit na umanong nakikipag ugnayan ang tanggapan ni Arroyo sa mga otoridad para malaman kung sino ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng liham para masira sa publiko ang Speaker.
- Latest