MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Drivers Nationwide (PISTON) ang pagsoli ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa naibayad na fare matrix ng mga tsuper nang itaas sa P10 fare hike sa Metro Manila, Region 3 at Region 4.
Binigyang diin ni PISTON President George San Mateo na napagod ang mga tsuper sa pagpila at nagastuhan pa sa pagbayad ng kopya ng taripa kayat ngayong may rollback sa pasahe sa jeep dapat isoli ang naibayad na P560.00 sa bawat kopya ng fare matrix.
Bukod dito ay sinabi ng PISTON kung bakit hindi naidaan sa isang public hearing ang naipalabas na desisyon ng LTFRB sa rollback gayung may sistema naman ang ahensiya para rito.
Nagkaisang sinabi ng iba pang transport group na illegal ang jeepney fare rollback dahil hindi ito dumaan sa tamang sistema at padalos dalos na naipalabas ang desisyon nang walang naisagawang public consultation sa hanay ng mga stakeholders.