MANILA, Philippines — Naaresto kahapon ng mga otoridad ang dalawang lalaki na humoldap at pumatay sa isang Ateneo de Manila University (ADMU) graduate student noong Disyembre 1 sa Marikina City.
Iprinisinta kahapon sa media ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, P/Director Guillermo Lorenzo Eleazar ang isa sa mga naarestong suspek na si Jayvee Santos, 24, alyas ‘Diablo’ habang hindi na iniharap pa ang kanyang kasabwat na 16-anyos.
Si Santos, ay naaresto sa isang checkpoint sa Apitong, Brgy. Marikina Heights kahapon ng madaling araw at ito ay positibong kinilala ng hawak na testigo ng mga pulis na nag-alok sa kanya ng cellphone ng biktimang si Francis de Leon, 24.
Sinabi umano sa kanya ng suspek na nakuha nito ang cellphone sa J. Molina St. kaya’t ipinapahanap sa kanya ng buyer.
Sa isinagawang interogasyon ay itinuro naman ni Santos ang kasabwat nitong 16-anyos sa pagsasagawa ng krimen kaya’t nadakip ito.
Magugunita na dakong ala-1:20 ng madaling araw noong Disyembre 1 ay hinoldap at sinaksak ang biktima ng mga suspek sa kanto ng J. Molina St.,at Bluebird St. Brgy. Concepcion Uno na may ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay.
Kagagaling lamang ni De Leon sa isang internet café upang makigamit ng internet nang matiyempuhan ng mga suspek.
Nakatulong ang alok na reward na P500,000 ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro para sa ikadarakip ng mga suspek.