MANILA, Philippines — Nagsisinungaling umano si dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo sa pagtanggi nito na hindi siya nagre-recruit ng mga kabataan para sumapi at maging miyembro ng Communist Party of the Philippines -New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at laban ang gobyerno.
“Satur Ocampo’s denial of the occurrence of illegal recruitment of minors by the CPP/NPA/NDF is a blatant lie. In fact it has been going on for decades,” pahayag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.
Ayon kay Año, base sa data ng Philippine National Police, limang kaso laban sa CPP-NPA-NDF ang naisampa sa korte kaugnay ng paglabag sa Child Abuse Law at child trafficking sa taong ito.Samantalang lima ring kahalintulad na kaso ang naihain sa korte noong 2017 at tatlo pa nitong 2016.
Idinagdag pa ni Año, nitong nakalipas na Hulyo, limang katutubong Manobo sa Bukidnon ang sumuko sa Hilagang Luzon dahilan sa hindi maayos na pamumuhay ng mga NPA.
Isang 15-taong gulang na NPA combatant ang napatay sa engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at komunistang rebelde sa Sitio Bayongon, Barangay Astorga sa Sta. Cruz, Davao del Sur noong Abril 21, 2018.
“Ang ebidensya tungkol sa pagre-recruit ng mga kabataan sa CPP/NPA/NDF ay walang pagdududa. Sa katunayan, ito ay nailathala na ng media bagaman hindi komprehensibo ang ulat. At kahit laban ito sa lokal at international law, ang teroristang komunista ay patuloy na binubulag ang mga kabataan dahil sa kanilang pagkainosente,” anang Kalihim.
Hinikayat naman ng opisyal ang lahat ng mga Local Government Units (LGUs) na maging bukas at aktibong pangunahan ang laban kontra sa mga kalaban ng estado.
Ayon kay Año, ang malawak na kapangyarihang pulitikal at impluwensiya ng opisyal ng lokal na pamahalaan sa kanilang nasasakupan ang maaaring magtapos sa insureksyon sa bansa.