Pinoy telenovelas ipapalabas na rin sa China

MANILA, Philippines — Inaasahang makikinabang din ang mga Pilipinong prodyuser ng mga programang pang-telebisyon at pelikula dahil ipapalabas din sa bansang China ang mga likha ng mga ito sa napipintong palitan ng mga media products ng dalawang bansa.

 

Sinabi ni Xhao Yifang, chief executive office ng Huace group, isa sa na­ngungunang film companies sa Tsina na magiging “two-way” ang palitan ng media products ng China at Pilipinas base sa pagpapalakas ng kooperasyon ng dalawang bansa sa aspetong pangkultural.

Sa nakaraang presentasyon ng mga palabas ng China na may titulong “China Image: Showcase of Popular Chinese TV Drama” sa Makati Diamond Residences sa Makati City, ipinakita ng International Cooperation Department of the National Radio and Television Administration of China sa pangunguna ni Director General Ma Li ang iba’t ibang programang ipalalabas sa lokal na TV station na PTV 4.

Bukod kay Ma at Zhao, dumalo rin sa okasyon sina PCOO Undersecretary Marvin Gatpayat, PTV4 officer-in-charge Richard Valdez, Mr. Wu Yi, Thanyi Media, Ms Xhang Chenxi, Asst. GM IM Power of China at Mr. Zhan Yikai ng Jiaping Film.

Upang maunawaan ang mga Chinovelas, cartoon shows at mga pelikula, isinalin ang lengguwahe sa Filipino habang ang mga programang Pilipino na dadalhin sa China ay isasalin naman sa lokal ng lengguwahe sa China.

Layunin ng pagpapalabas ng mga Chinovelas sa bansa na makilala pa ng lubusan ng mga Filipino ang kulturang Tsino at makapag ambag sa industriya ng telebisyon sa Pilipinas.

Show comments