Bulkang Mayon muling nag-alboroto
MANILA, Philippines — Sa nakalipas na 24 oras ay muling nag-alboroto ang Bulkang Mayon sa Bicol.
Ito ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nang dalawang beses nagbuga ng abo ang bulkan na may taas na kalahating kilometro kahapon ng umaga.
Ayon sa Phivolcs may 300 hanggang 500 metro ang nailabas na abo na kulay grayish white mula sa bunganga ng bulkan .
Nakapagtala rin kahapon ng umaga ng dalawang phreatic eruption events ang bulkan bukod sa pagluluwa nito ng asupre na may 1,943 tonelada kada araw.
Sa ngayon ay nananatiling nakataas sa alert level 2 ang Bulkang Mayon at patuloy na ipinagbabawal sa sinuman ang pumasok sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone.
Ipinagbabawal din ng Phivolcs ang anumang aktibidad sa loob ng 7-kilometrong extended danger zone na aabot sa mga bayan ng Anoling, Camalig hanggang Sta. Misericordia at Sto. Domingo.
Ang mga nakatira sa may dalisdis ng bulkan ay pinaalalahanan ng Phivolcs na ugaliing mapagmasid sa paligid at maging alerto sa posibleng pagbagsak ng mga bato at ashfall.
- Latest