MANILA, Philippines — Isa umanong uri ng pangho-hostage ang ginagawang pananakot at pagpasa ng sisi sa Kamara at Senado kung makakaranas ng malawakang “blackout” ang mga residente ng Iloilo City sa hindi pagre-renew ng kanilang prangkisa.
Ito ang sinabi ni Parañaque Rep. Gus Tambunting sa umanoy ginagawang pamba-blackmail ni Panay Electric Company (PECO) Legal Counsel Inocencio Ferrer lalo nang sabihin nitong ititigil ng distribution utility ang kanilang operasyon sa Enero 18, 2019 kung hindi makakakuha ng renewal ng congressional franchise.
Ayon kay Tambunting hindi kasalanan ng mga consumer at mga mambabatas kung hindi ma-renew ang prangkisa ng PECO dahil ang renewal ng congressional franchise ay ibinibigay sa karapat dapat na kumpanya na may maaasahang serbisyo.
Magugunita na una nang inirereklamo ng mga consumer ang overcharging ng PECO, lumang mga pasilidad gaya ng mga poste na mapanganib na sa kaligtasan ng publiko, mababang kalidad ng customer service at sobrang taas na singil kung saan sa isinagawang pag -aaral ng mga experto na sa Iloilo City ang may pinakamahal na singil sa kuryente hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Hindi rin pinalampas na punahin ni Tambunting ang hindi pagdalo ng PECO officials sa Technical Working Group(TWG) hearing na binuo ng Senate Committee on Public Services sa pamumuno ni Sen Grace Poe noong nakaraang buwan kung saan tatalakayin dapat ang maayos na paglilipat ng operasyon sa pagitan ng PECO at ang bagong utility firm na More Electric and Power Corp na una nang binigyan ng legislative franchise ng Senado at Kamara.