MANILA, Philippines — Pinayagan na ng Sandiganbayan fifth division si Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan matapos hatulan dahil sa kasong graft.
Inirekomenda ng Anti-graft court ang halagang P150,000 para sa pansamantalang paglaya ni Marcos.
Bukod sa pagpipiyansa nagpaliwanag din ang dating unang ginang na hindi siya nakarating sa kanyang promulgation sa Sandiganbayan noong Nobyembre 9 dahil sa mayroon siyang sakit at hindi niya alam ang schedule.
Nalaman lamang umano niya na schedule ng kanyang promulgation matapos niya itong mapanood sa mga balita sa telebisyon.
Epektibo naman ang piyansa ni Marcos hanggang mapagdesisyunan ng Sandiganbayan ang motion for leave of court na hinihingi ng kongresista para sa post conviction remedies niya matapos na mahatulan ng pitong bilang ng kasong graft.
Ang P150,000 bail bond ay katulad din ng halaga na inilagak ni Marcos noong 1991 subalit nabalewala na ito dahil sa hindi niya pagdalo noong November 9 promulgation ng kanyang mga kaso na inihingi na ng paumanhin ng dating unang ginang dahil sa kadahilanang pangkalusugan.