Sinasakyang tricycle sumalpok...
MANILA, Philippines — Anim miyembro ng isang pamilya ang nasawi matapos ang sinasakyan nilang tricycle ay sinalpok ng isang pampasaherong bus kahapon ng umaga sa Davao-Cotabato Highway, Brgy. Cogon, Digos City.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Joel Castro, 32, ng Sta. Cruz, Davao del Sur- driver ng tricycle; misis nitong si Honey Grace Castro, 27; mga anak na sina Joana Claire, 4; Cyril Jake, 7; Pedo, 2; at Floro Ocdenaria ama ni Honey.
Sa imbestigasyon ni PO3 DEO Karol Aznar, ng Digos-PNP Traffic Division, bago nangyari ang sakuna dakong alas-6:20 ng umaga ay binabagtas ng Mindanao Star Bus Incorporated na may body no. 15408 at plakang ACX-7283 ang national highway nang ito umano ay nawalan ng kontrol ang driver at nasalpok ang kasalubong na kulay orange na tricycle na sinasakyan ng pamilya.
Sa lakas nang pagkabangga ay nayupi na parang lata ang tricycle na agad ikinasawi ng lima rito habang ang isa ay idineklarang dead-on-arrival sa ospital.
Nangako naman ang pamunuan ng nasabing bus na kanilang aakuin ang pagpapalibing sa mga biktima habang kakasuhan ang driver ng bus ng reckless imprudence resulting to multiple homicide.