Tapyas pasahe, presyo ng bilihin, iginiit

Pinapalitan ng isang gas attendant ang presyo ng kanilang tindang petrolyo sa kanilang gasolinahan sa V. Luna St., Quezon City matapos na muling nagrolbak ng P2 sa presyo ng diesel at P2.30 sa presyo ng gasolina kahapon.
Michael Varcas

Sa pagmura ng petrolyo...

MANILA, Philippines —  Ilang grupo ang itinulak na maibaba ang presyo ng pasahe at mga bili­hin kasunod nang pagbaba ng presyo ng mga produk tong petrolyo sa ikalimang sunod-sunod na linggo.

Noong Lunes ay naghain ang United Fili­pino Consumers and Com­muters (UFCC) sa Land Transportation Franchis­ing and Regulatory Board (LTFRB) ng petisyong ibalik sa P8 ang pasahe sa jeep dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

“Nais po naming ibalik sa P8... Alam naman po natin na bumubuti na po ang kalagayan sa pan­daigdigang pamilihan ng petrolyo,” ani UFCC presi­dent RJ Javellana.

Sa ilalim ng petisyon, kinatuwiran ng grupo ang pagsuspende sa nakatak­dang dagdag-buwis sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, at ang pahayag ng Transportation department na huwag na munang itu­loy ang fare hike bilang mga dahilan para sa bawas-pasahe.

Sinabi naman ni Laban Konsyumer president Vic Dimagiba, dapat puwer­sahin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyante na bawasan ang presyo ng kanilang mga produkto kasunod ng rollback.

Batay sa kaniyang tan­tiya, nasa 10 hanggang 13 porsiyento ang natitipid ng mga negosyante sa delivery ng kanilang mga produkto nang magsimula ang mga bawas sa presyo ng langis.

Anya, sabay-sabay nagtapyas ang mga kom­panya ng langis ng pre­syo- P2.30 kada litro ng gasolina, P2 kada litro ng diesel, at P1.85 kada litro ng kerosene kahapon.

Ito na ang pinakamalaking halaga ng bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa loob ng limang linggo.

Pero kontra ang Federation of Jeepney Opera­tors and Drivers Asso­ciation of the Philippines (FEJODAP) sa hirit ng tapyas-pasahe.

Paliwanag ni FEJO­DAP president Zeny Ma­ranan, matagal na ang hirit nilang dagdag-pasahe pero ngayon lang napagbigyan.

Dagdag niya na may mga tsuper pa ring hindi pa nakikinabang sa dagdag-pasahe dahil hindi pa sila nakakakuha ng fare matrix.

Kung ibabalik daw sa P39 per liter ang presyo ng krudo, doon na magiging bukas ang kaniyang hanay sa hirit na fare rollback.

Sinabi ni LTFRB Board Member Aileen Lizada na prayoridad nila ang petisyon ng UFCC dahil 45 milyong com­muter ang apektado ng fare hike.

Show comments