MANILA, Philippines — Patay na nang matagpuan ang aktor na si Nonong de Andres na mas kilala sa tawag na si Bangkay matapos umano itong mag-suicide sa pamamagitan nang pagbibigti kahapon ng madaling araw sa cottage ng isang beach resort sa Brgy.Tumagay, Plaridel, Quezon.
Sa ulat ni Quezon Acting Provincial Director P/Sr. Supt. Osmundo de Guzman, dakong alas-3:45 ng madaling araw nang madiskubre ang bangkay ni Andres, 72.
Ang pagpapatiwakal ni Andres ay inireport sa pulisya ni Larry Liwanag, caretaker ng nasabing beach resort.
Kinumpirma naman ng pamangkin ni Andres na si Paolo Capino na namatay ang kaniyang tiyuhin sa bahay ng kaibigan nitong si Mayor Bernard Tumagay.
Si De Andres ay naging popular bilang si “Bangkay” sa mga horror at comedy na mga pelikula at gumanap rin bilang “Bangky” sa teleseryeng Forever More nina Liza Soberano at Enrique Gil na inere umpisa noong Oktubre 27, 2014 hanggang Mayo 22, 2015.