MANILA, Philippines — Inilagay sa ilalim ng witness protection program (WPP) si dating Bureau of Customs (BOC) intelligence officer Jimmy Guban.
Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang Department of Justice na ang mangangalaga sa seguridad ni Guban.
Matatandaan na unang inihayag ni Senator Richard Gordon noong Martes na inilagay na sa kustodiya ng DOJ si Guban matapos ang pagdinig ng komite tungkol sa diumano’y P11 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa BOC.
Sinabi ni Gordon na delikado kung hindi pa ilalagay sa WPP si Guban na gagawing testigo sa nakalusot na shabu.
Inihayag din ni Sotto na ipinabatid sa kanya ni Senate Sergeant at Arms Jose Balajadia ang paglilipat kay Guban sa DOJ dakong alas-12:20 ng hapon.
Ipagpapatuloy ng komite ni Gordon ang pagdinig tungkol sa P11 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa BOC sa Nobyembre 22.