Nainip na matawag ang pangalan... sekyu ng kwarta padala todas sa kliyente
MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival ang isang sekyu ng isang money remittance matapos na siya ay saksakin ng kanilang kliyente na naubusan ng pasensiya para makuha ang ipinadalang pera sa kanya naganap kamakalawa sa Urdaneta City, Pangasinan.
Ang nasawi ay kinilalang si Lito Manangan, sekyu ng MLhuillier Kwarta Padala, residente ng Brgy. Macalong, ng nasabing lungsod.
Agad namang naaresto ang suspek na si Michael Cabural, residente ng Brgy. Cayambanan, ng nasabing lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, na nainip umano si Cabural na matawag ang kanyang pangalan ng nasabing money remittance shop para makuha ang pera na ipinadala sa kanya ng live in partner.
Kinompronta nito ang biktima at inusisa kung bakit napakatagal na tawagin siya na sinagot naman ng una hanggang sa mauwi sa mainitang pagtatalo.
Sa gitna nang pagtatalo ay kinuha ng suspek ang dalang patalim sa kanyang bag at dito ay inundayan nang maraming saksak ang sekyu na hindi nagawang mabunot ang baril.
Nang bumulagta ang biktima ay agad itong dinala sa Urdaneta District Hospital na kung saan ay idineklara itong dead-on- arrival.
Ang suspek ay nadakip ng mga pulis sa isinagawang follow-up operation.
- Latest