MANILA, Philippines — Halos hindi na makilala dahil sa pagkasunog ng buong katawan ang isang ina at dalawa nitong anak na paslit nang hindi makalabas sa nasusunog nilang bahay kahapon sa Brgy. Poblacion IV, Alfonso, Cavite.
Ang nasawing mag-iina ay kinilalang sina Lovely Demillio Jassem, 26, dalawang anak na sina Rylai Lexi Jassem, 5 at Rijin Lex Jassem, 1, kapwa residente ng nasabing lugar.
Sa ulat, dakong ala-1:00 ng hapon nang mapansin ng pamangkin ni Lovely na si Ashley Rollon,15 na may lumalabas na mga usok sa kuwarto ng mag-iina.
Agad itong lumabas at nakita na nasusunog ang bahay at tinangka niyang buksan ang pinto upang pumasok ay nakakandado ito.
Nagsisigaw ito ng tulong, subalit bago dumating ang mga bumbero ay halos sunog na ang bahay na kung saan nakulong ang mag-iina.
Umabot ng mahigit sa 2 oras bago naapula ang nasabing apoy at natagpuan ang tupok na katawan ng mag-iina.