MANILA, Philippines — Mga kapwa nila kasama ang pumaslang sa 9 na magsasaka sa tubuhan ng hacienda Nene, Brgy. Bulaon, Sagay City, Negros Occidental.
Ito ang inihayag kahapon ni Agrarian Reform Secretary John Castriciones batay sa initial findings sa ginawang pagbusisi ng kanilang tanggapan sa pagpatay sa mga biktima na pawang miyembro ng National Federation of Sugar Workers (NFSW).
Nabatid na ang mga biktima ay pumasok sa pribadong lupain sa naturang hacienda at habang kumakain ng hapunan sa loob ng ginawang tent ay pinagbabaril ng anim na suspek.
“May report kasi ang kapulisan, mayroon ding mga confidential information na natanggap ang undersecretary ko, na ang bumaril daw ay mga mismong kasapi ng samahan na ito,” pahayag ni Castriciones.
Ayon sa pulisya, ang NFSW ay legal front ng komunistang rebelde na umuukopa sa pribadong lupain para kumita.