MANILA, Philippines — Isang panukalang batas ang inihain sa Kongreso na nagbabawal sa mga politiko na palipat-lipat ng partido o “pagbalimbing” sa nangungunang partido isang taon bago idaos ang eleksyon.
Sinabi ni Cibac Rep. Sherwin Tugna, chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, na nakabuo na sila ng substitute bill na naglalayong patatagin ang political at electoral system ng bansa.
Sa sandaling maaprubahan na ang substitute bill na nagbabawal sa turncoatism o pagbalimbing ay hindi papayagan na magbago ng political parties ang isang politiko matapos ang eleksyon at kapag nasa ikalawang taon ng kanyang panunungkulan mula sa kanyang three term.
Mahigpit na ipagbabawal ang paglipat ng partido isang taon bago ang susunod na eleksyon dahil kada ikatlong taon ang eleksyon sa bansa.
Layunin ng panukala na samantalahin ng elective officials ang mga biyaya para sa mga miyembro ng ruling party partikular na sa biyaya ng mga proyekto at balewalain na lamang ang prinsipyo at plataporma ng dating partido.
Iginiit pa ng kongresista na ang intensyon ng batas ay hindi samantalahin kaya ang paunang isang taon ay ibinigay para pag-aralan ng mga politiko ang ideolohiya ng political party na kanyang lilipatan.
Nakasaad sa panukala na ang sinumang elected officials na lalabag ay papatawan ng pagkakasibak sa puwesto bukod dito hindi na rin siyang papayagan tumakbo sa anumang elective position sa susunod na eleksyon o maitalaga sa anumang posisyon sa gobyerno sa loob ng tatlong taon.