MANILA, Philippines — Patay ang tatlong sinasabing kilabot na ‘tulak’ ng droga matapos manlaban sa mga otoridad sa isinagawang magkakahiwalay na drug-bust operation sa bayan ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan, Huwebes at Biyernes ng madaling araw.
Sa ulat ng pulisya, unang napatay sa operasyon ang isang kinilala lang sa alyas na ‘Jay-Ar’ na matapos makahalata na pulis ang kanyang ka-deal at makipagbarilan dakong ala-1:10 ng madaling araw sa Towerville, Brgy. Gaya-Gaya.
Kinabukasan naman, sa lugar din ng Brgy. Gaya-Gaya, ay isa pang impormasyon ang natanggap ng mga otoridad hinggil sa hayagang pabebenta ng droga ng isang alyas ‘Boy Negro’ sa loob ng kanyang tinutuluyang bahay.
Nang magkaabutan na ng shabu at pera ay sinubukang arestuhin ng pulis ang suspek subalit tumakbo ito sa loob ng kanyang bahay saka kinuha ang kanyang armas subalit naging maagap ang pulisya na ikinasawi ng suspek.
Nasawi rin ang isa pang suspek na si alyas ‘Dennis’ sa loob ng bakanteng bahay sa isang lugar sa Brgy. Sto. Cristo matapos na lumaban habang sinusubukang dakipin ng mga operatiba.
Narekober sa dalawang operasyon ang tatlong kalibre .38 baril, mga basyo ng bala, 19 na pakete ng shabu na nagkakahalaga ng aabot sa halagang P212,000, iba’t ibang mga drug paraphernalias at tatlong P500 pisong marked money.