150 bahay nasunog sa ‘Pot Session’
MANILA, Philippines — Umaabot sa 150 bahay ang natupok sa sunog dahil umano sa pot session o pagtira ng ilegal na droga ng ilang kalalakihan kahapon ng tanghali sa residential area ng Happyland, Tondo, Maynila.
Sa inisyal na ulat ng arson investigator ng Manila Fire Department (MFD) dakong alas-12:00 ng tanghali nang magsimula ang sunog sa isang bahay sa lugar na kung saan ay may nasasagawa umano ng pot session.
Mabilis na kumalat ang apoy na kung saan ay nasugatan sina Aida Tesoro, na natusok ng pako ang paa habang nagtatangkang magsalba ng mga gamit; nasugatan naman sa noo si Rodel Guevarra, 27, na sumaklolo upang magligtas ng gamit; at isang BJ Jerome, 26. Ang mga nasugatan ay dinala sa ospital.
Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng otoridad hinggil sa nasabing ulat na “pot session” sa isang bahay na pinagmulan ng sunog na tumupok sa 150 bahay na umabot ng ikalawang alarma bago idineklarang fireout dakong alas-2:44 ng hapon.
Maliban sa tatlong nasugatan ay walang naiulat na may nasawi inaalam pa kung magkano ang mga ari-ariang natupok.
- Latest