MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas ang isang barangay chairman matapos na siya ay pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo kahapon ng umaga sa Purok Pagkakaisa, Brgy. Pisan, Kabacan, North Cotabato.
Ang nasawi ay kinilalang si Brgy. Pisan chairman Nestor Ranay, 37, may-asawa at residente ng nasabing barangay.
Batay sa ulat, bago nangyari ang pananambang sa biktima dakong alas-9:10 ng umaga ay dumalo ang biktima sa flag ceremony sa barangay hall at pauwi na ito sakay ng kanyang scooter nang tabihan ng mga suspek na nakamotorsiklo at pagbabarilin.
Nadala pa sa ospital ang biktima, subalit namatay din ito habang nilalapatan ng lunas.
Pulitika at personal grudge ang sinisilip na motibo ng pulisya sa nangyaring pagpatay sa biktima.