Patay sa Cebu landslide: 29 na
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 29 katao ang naitalang namatay habang mahigit 60 pa ang nawawala sa trahedya ng landslide na tumabon sa tinatayang 25-30 kabahayan sa Sitio Sindulan sa Brgy. Tinaan at Brgy. Naalad, Naga City, Cebu, kamakalawa ng umaga.
Ilan sa mga nasawi ay kinikilalang sina Althea Siton, 4; Olivia Moral, 63; A bel Lobiano, 40; Romeo Jabonilla, 40; Francisco Yopac, 60; Mark Campanilla, 3; Vianca Versales, 19; Raul Gepuit, 43; Laura Capoy, 52; kambal na sanggol na may apelyidong Campanilla; Niña Siton; Crystal Jean Siton, Lauro Campanilla, Juanito Siton, 42; Emilia Siton, 65; Aracelle Lobiano, 49; Lance Noah Lobiano, 7, habang inaalam pa ang pagkakilanlan sa iba pang mga bangkay na narekober sa pinangyarihan.
Magugunita noong Huwebes ng alas-6:00 ng umaga nang gumuho ang bundok na tumabon sa 20 bahay sa Brgy. Tinaan at 10 naman sa Brgy. Naalad.
Tinataya namang nasa mahigit sa 60 pa katao ang patuloy na pinaghahanap kabilang ang pamilya ng anim katao na nagawa pang makapag-text sa kanilang mga kamag-anak na buhay pa sila.
Base sa text, sinabi ng mga rescuers na isa sa mga residente ay pinasahan pa nila ng load na nagawang masabi na malapit lamang sila sa mga nagba-backhoe sa bukana sa lugar.
Bukod sa dalawang backhoe ay gumamit na rin ng mga K9 dogs para mapabilis ang pagtukoy sa mga posible pang survivors sa trahedya.
Nabatid na bago ang insidente ay nakaranas ng malalakas na pag-ulan sa lugar kung saan tuluyang gumuho ang bundok dito na ang itinuturong sanhi ay ang quarrying operations.
- Latest